Ang Dalumat ng Katuwiran Mulang Duplo Hanggang Balagtasan Zafra, Galileo S.
Material type:
Unibersidad ng Pilipinas-Diliman, Lungsod Quezon Oktubre 2000
Ang pag-aaral ni Zafra ay nagtatampok sa talinghaga ng katuwiran (isang larangang may dimensiyong rasyonal at moral) na matutunghayan sa mga teksto ng duplo at balagtasan. Humalaw ito ng inspirasyon sa talinghaga ng kariktan ni Lope K. Santos na nagtagubilin ng paglihis sa pag-aaral ng panulaan na nakatuon lamang sa “estruktura o kabuoan” ng tula at sa halip ay “suriin ang damdaming nagpapatingkad sa pagtula.” Sinipat sa pag-aaral kung paanong hinuhugis ng dalumat ng katuwiran ang mga sangkap (tugma, sukat, talinghaga, at kariktan), bahagi, katangian, at anyo ng mga tekstong saklaw sa binubuong kasaysayang pampanulaan mulang ritwal, duplo, mga tula sa panahon ng propagandismo at himagsikan hanggang balagtasan. Ginamit sa saliksik ang ilang hakbang ng etnograpiya dahil hindi pa buo ang konseptong inilapat sa pag-aaral. Kabilang sa mga akdang sinuri sa pag-aaral ang “Hibik” ni Flores, “Buhay ni del Pilar,” “Sagot,” at “Dupluhan” ni del Pilar, “Katapusang Hibik” ni Bonifacio, at “Balagtasan.” Inilahad sa pag-aaral ni Zafra ang dalumat ng katuwiran sa balagtasan bilang pagsasanib ng isip at budhi habang sa duplo naman ay ang pangingibabaw ng katuwiran sa kapangyarihan. Pinakamahalagang bahagi ng pag-aaral ang pagkatuklas sa mga nakakubling proseso (kondisyong panlipunan at pangkasaysayan) na nagpapakilos sa kasaysayan mulang duplo hanggang balagtasan. Lumitaw din sa pagsusuri na ang pag-aaral na ito ay isang pagtatangkang maghawan ng ibang landas sa larangan ng kasaysayang pampanulaan at pagtatanghal ng katutubong dalumat na mas sensitibo sa mga katangian at dinamismo ng panulaang Filipino.
Panitikan
There are no comments on this title.