Identidad at Etnisidad: Karanasan at Pananaw ng mga Estudyanteng Filipino Americano sa California Marcelino, Elizabeth M.
Material type:
Unibersidad ng Pilipinas 1996
Layunin ng pag-aaral na malaman ang pangkalahatang kalagayan ng limampung (50) kabataang estudyanteng Filipino sa tatlong kolehiyo sa Bay Area, San Francisco, California na pawang mga anak (ikalawang henerasyon) ng pangatlong grupo (third wave) ng mga Filipinongdumayo sa America noong 1965–1981. Sila ay nanirahan bilang mga propesyonal o para-propesyonal bunsod ng ekonomikong kadahilanan. Natuklasang ang lawak ng impluwensiya ng dalawang kultura (Filipino at Amerikano) batay sa kanilang nadebelop na karanasan gayundin ang proseso ng paghahanap, pagtuklas, pagbuo, at pag-unlad ng kanilang kultural na identidad o etnisidad. Ginamit sa saliksik ni Marcelino ang metodong pagtatanong-tanong at pakikipagkuwentuhan upang mabatid ang mga karanasan at pananaw sa mahahalagang paksa sa kanilang buhay sa America. Ipinaliwanag sa saliksik ang sumusunod: (1) nakakahigit ang tunggalian sa loob ng pamilya hinggil sa pamamaraan at estilo ng pagpapalaki bunsod ng kinalakihang dalawang kultura ng mga kalahok; (2) malaki ang impluwensiya ng mga positibong pagpapahalaga na isinalin sa mga kalahok ng kanilang mga magulang tulad ng pagpapahalaga sa pamilya, paggalang sa nakatatanda, pagkatuto ng wika, atbp; (3) dumanas ng diskriminasyon at rasismo ang mga kalahok sa murang gulang pa lamang na may matinding epekto sa kanilang pananaw sa sarili (mababang pagtingin sa sariling kakayahan) at kawalan ng tiwala sa ibang tao ; (4) ang kawalan ng mga institusyong nagtuturo ng wikang Filipino ay nagpaigting ng hindi pagkakaunawaan ng magulang at anak at ito rin ang dahilan ng kawalan ng nagkakaisang boses at kapangyarihan sa antas ng komunidad ng mga Filipino upang makakuha ng makabuluhang pagbabago sa lipunan; at (5) ang kagustuhang maging katulad ng mga puting Americano sa itsura, pananamit, pananalita, atbp. ang dahilan ng pagsang-ayon ng mga kalahok sa dominanteng kulturang Americano. Natukoy na ang personal na turing ng karamihan sa mga kalahok sa kanilang kultural na identidad ay mono-kultural (Filipino o Americano lamang) o bi-kultural Filipino Amerikano (walang gitling) o Filipino-Americano (may gitling). Sa mga kalahok na nagsabing sila’y Filipino, tinukoy lamang sila sa kanilang pisikal, biyolohikal, at katangiang sosyo-kultural. Sa mga nagsabing sila’y Amerikano, ito ay sa dahilang doon sila ipinanganak, lumaki, at naninirahan bilang legal na mamamayan.
Araling Kultural
There are no comments on this title.