Sandaang Talulot ng Apoy: Mungkahing Estetikal

Cardenas, Gandhi G.

Sandaang Talulot ng Apoy: Mungkahing Estetikal Cardenas, Gandhi G.



Ang layunin ng saliksik ni Cardenas ay mapalawak ang dagat ng kasiningan at pagkamalikhain at makapag-ambag sa patuloy na pagbulas ng panitikang Filipino sa pamamagitan ng muling pagtatanghal sa sambayanan bilang dakilang tagapagbago ng lipunan. Sinikap talakayin sa “Sandaang Talulot ng Apoy” na binubuo ng 1,132 linya ang mga paksang nakaiimpluwensiya sa pagkakasulat ng epiko tulad ng karakter ni Pilosopo Tasyo upang mag-iwan ng tradisyon ng pagiging mapanuri at bisyonaryo sa lipunan. Tampok sa pag-aaral ni Cardenas ang mahigit 200 pag-aalsa sa iba’t ibang bahagi ng kapuluan sa loob ng mahigit 300 taong paghahari ng España sa Filipinas at ang pinakarurok nito ay ang Rebolusyong 1896 na humantong sa Deklarasyon ng Kasarinlan na kagyat ding inagaw ng Estados Unidos na sumikil sa pag-unlad ng sariling kultura, katalinuhan, at kabuhayan ng sambayanang Filpino. Gayundin ang yugto ng globalisasyon na kakikitaan ng malubhang krisis na mala-etniko, mala-piyudal, neo-kapitalista, at neo-kolonyal na lipunan. Ginamit sa pag-aaral ni Cardenas ang metodong sangaralan na kaugnay ng ipinakilalang pamamaraang dialogical ni Paulo Freire sa aklat na Pedagogy of the Oppressed at itinuturing nitong epiko ang pakikibaka ng mga makabayang manggagawa, estudyante, magsasaka, intelektuwal, etniko, relihiyoso, kababaihan, at iba pang sektor na nagtataguyod sa interes at kapakanan ng buong sambayanan. Sa iminumungkahing metodo ng sangaralan, mauugat ang praxis nito sa sinaunang pamamaraan ng mga ninuno sa kapuluan kapag sila ay may sanggunian na nagsisilbing sangaralan din: na ang nagsasalita ay pinakikinggan ng mga tagapakinig; na ang mga nakikinig o ang lupon ay naglilimi, nagtatanong at nagsusuri sa kaalamang inihaharap sa kanila; at ang bawat isa sa kalahatan ay bahagi ng organikong pagpapanday sa pagpapalitaw ng mga bagong karunungan.

Panitikan

Panitikan panitikang Filipino malikhaing pagsusuri metodong sangaralan