Kasanayan at Kaugalian sa Pananaliksik ng mga Mag-Aaral sa Filipino

Prestoza, Mark Jhon R.

Kasanayan at Kaugalian sa Pananaliksik ng mga Mag-Aaral sa Filipino Prestoza, Mark Jhon R.



Nakapokus ang pag-aaral sa paglalarawan sa profile ng mga mag-aaral at kaugnayan nito sa pamaraang ginamit sa pananaliksik, kaugalian sa pagtuklas, at mga batayang kasanayan gayondin ang pamaraang karaniwang ginagamit ng mga mag-aaral sa pananaliksik at antas ng kaugalian at kasanayan. Isinagawa ang pag-aaral na ito mula Enero hanggang Hulyo, 2018. Ang mga respondent ay 139 na mag-aaral ng Grade 12 na nagsagawa ng pananaliksik sa Asignaturang Filipino sa Reina Mercedes Vocational and Industrial School na pinili sa pamamagitan ng random sampling. Ginamit ang descriptive statistics at kendall’s tau b sa pagsusuring estadistika. Natuklasan sa pag-aaral na karamihan sa mga respondent ay kababaihan, wikang Iloko ang ginagamit bilang unang wika, ang pagbabasa ng mga fiction na uri ng babasahin ang kanilang kinagigiliwang babasahin at ang paggamit ng cellphone at laptop ang kagamitang panteknolohiyang ginagamit sa pananaliksik. May makabuluhang ugnayan ang mga profile ng mga respondent sa pamaraan, kaugalian at batayang kasanayan ng mga mag-aaral sa pagsusuri ng pananaliksik. Palaging ginagamit ang sarbey at partisipatoryo na disenyo na pamaraan sa pagsusuri sa pananaliksik sa Filipino. Ang sosyolohikal na pamaraan ang palagiang ginagamit bilang disiplina sa pananaliksik sa Filipino. Madalas gamitin ang pagtatanong–tanong bilang pamaraan sa pangangalap ng mga datos sa pananaliksik sa Filipino. Palaging ginagamit ang kwestyuner, pakikilahok, pagmamatyag, pakikisama, pagmamasid, pakikisalamuha at pakikisangkot bilang pamaraan sa pangangalap ng datos sa pananaliksik sa Filipino. Ang kaugaliang namumukod-tangi sa pananaliksik sa Filipino ay ang pagpapalitaw sa sarili, kapuwa at komunidad.Ang mga batayang kasanayan ng mga mag-aaral sa pananaliksik sa Filipino ay luminang ng abilidad na humanap, kumalap, sumuri at tumimbang sa bisa ng impormasyon upang patalasin ang imahinasyong sosyolohikal, pag-uugnay ng sarili sa mga nagaganap sa lipunan, kultura, at wika. Iminungkahi ni Prestoza, na napakahalagang magsagawa pa ng mga pananaliksik na may kinalaman sa pamaraan, gawi o kaugalian at batayang kasanayan ng mga mag-aaral sa pagsusuri at pananaliksik ng iba pang larang gayun din sa iba pang salik na nakaapekto sa pagsasagawa ng pananaliksik ng mga mag-aaral. Nararapat ding alamin ng mga guro ang kugalian o preperensiya ng mga mag-aaral pagdating sa pagsasagawa ng pananaliksik upang mas mapadali at mabisa ang pagkatuto, dapat ding maging pamilyar at malawak ang kaalaman ng guro sa iba’t ibang pamaraan na ginagamit sa pananaliksik.

Edukasyon

analisis aksiyongpananaliksik disenyo disiplina kasanayan kaugalian ginabayang talakayan Edukasyon